CAOCMI – Pantihan 2
Reaching out nations, making disciples.
Join Our Community Online

Dekada nobenta nang pangunahan ni Nanay Irene Saavedra, ang butihing ina ni Bishop Alberto Saavedra, ang pagmiministeryo sa dako ng Pantihan II, Maragondon. Kasama ang iba pang mga kapatid at ka-manggagawa na sina Pastor Pancho Magbitang, Nanay Espie Pergis, Bro. Pacio at si Nanay Telly Federico, naghatid sila ng aral ng Diyos sa pamamagitan ng mga bible study.
Sabi nila, hindi ka makakarating sa Pantihan na walang alikabok sa mukha. Hindi pa kasi noon sementado ang kalsada — putik kung tag-ulan, alikabok naman kung tag-init. Hindi rin basta-basta makaka-biyahe dahil may nakatakdang oras lamang ang alis at balik ng jeep na bumabiyahe pa-Naic.
Wala pang kuryente kaya limitado rin ang galaw ng gawain. Wala pang linya ng tubig kaya’t kailangang umigib sa poso na may napakabigat na hawakan o ‘di kaya naman ay lumusong sa ilog. Hindi nagpatinag sa ganitong kalagayan ang mga anak ng Diyos. Itinawid nila ang lingguhang bible study at unti-unti, marami silang naakay sa pananampalataya.

Noong nagsisimula pa lamang ang gawain, pansamantalang ipinahiram ng mag-asawang Gunying at Dureng Oliver ang bakanteng lote para sa gawain ng Diyos. Pinatuloy naman nina Ate Litang at Kuya Bireng Ramos sa kanilang tahanan ang mga lingkod ng Diyos.
Hindi alintana ng mga kapatiran ang init ng araw, pagbuhos ng ulan, haba ng lakbayin, o ilog na tatawirin marating lamang ang mga tahanang naghihintay makarinig ng Salita ng Diyos.
Isang karanasan na hindi malilimutan ni Pastora Belen Sendon ay noong ang grupo ay inabot ng ulan at nakisilong sa tapat ng kanilang bahay. Noo’y naiwan ng grupo sa jeep ang baon nilang pananghalian. Nag-alok siya ng sardinas at kanin sa grupo. Kalaunan ay nalaman niya na ang Ate Elo pala niya ang bibisitahin ng kanyang naging panauhin. Ipinanalangin nila ang sambahayan ni Pastora Belen at iyon na ang naging simula ng isang magandang lakbayin nya kasama ng mga kapatiran sa Alpha Omega.
Nagpatuloy ang mga gawain sa dako ng Pantihan II. Bible study tuwing Sabado at kinabukasan naman ay dadako si Pastor Ogie Subirano sa Pantihan III upang magdaos din ng gawain.
Taong 1995, dumating ang pamilya ni Pastor Ogie Soberano sa simbahan sa Pantihan III upang makatuwang ni Pastor Pancho Magbitang.
Ipinakita ng mga kapatiran sa Pantihan ang kanilang pagkauhaw sa Salita ng Diyos dahil kahit noong wala pang gaanong mga sasakyan, nilalakad nila ang ilang kilometro makarating lamang sa kubo na kanilang pinagdadausan ng gawain.
Ang iba pang mga tao na ginamit ng Diyos sa dako ng Pantihan ay sina Nanay Telly, Tatay Olding, Bro. Cezz, Pastora Ferina, Sis. Mayeth, Pastor Adonis, at Pastora Bibot. May mga panahon ding napupuntahan ni Bishop Bert Saavedra ang gawain. Si Pastora Belen noon ang naging tagapaghanda ng pananghalian ng grupo.
Nagkaroon din ang mga kabataan ng San Roque ng Youth Summer Evangelism Program at ang immersion nila ay ang pagsasagawa ng house-to-house evangelism at crusade sa Pantihan I at II sa loob ng ilang araw.
Huling buwan ng 1999 ay lumago at lumawak ang gawain ng Diyos sa Pantihan. Umabot hanggang sa Balayungan at sa mga kubo sa Pantihan III. Bunga ito ng pagtuturo ni Pastor Oscar Montallana na matiyagang pumupunta sa Pantihan gamit ang kanyang bisikleta. Dito sila nagsimulang magkaroon ng prayer and fasting tuwing huling Biyernes ng buwan kasama sina Nanay Espie, Virgie, Silay, Bro. Pacio, Sis. Floring, at Nanay Loleng.
Taong 2000, si Pastor Oscar Montallana ang nangangalaga sa simbahan sa Pantihan III habang pinangunahan naman si Pastora Belen ang mga kababaihan. Nagkaroon ng fellowship kasama ng ibang women’s ministry ang mga kababaihan ng Pantihan at patuloy silang lumago.
Enero 2001, si Pastora Ferina na ang aming pastor. Regular din ang mga services ng Church tuwing Miyerkules at Huwebes, at siya ang naging mentor namin nina Nanay Espie at Nanay Loleng. Acapella pa ang aming praise and worship, pero marami-rami na rin ang dumadalo mula sa Pantihan II at tinatanggap na ang Mabuting Balita ng Kaligtasan mula sa Panginoong Hesu Kristo.
Unti-unti nang nagkakaroon ng worship team, may mga nagbibigay na ng instrumento at nagtuturo gamitin iyon. Si Nanay Espie pa rin ang worship leader hanggang sa naturuan si Jessa at sumunod na sina Ana Joy, Ana Grace, at John Mark Glean.
Naging katuwang din ni Pastora Ferina ang kanyang anak na si Jarem Aniel sa worship team. Ang mga kabataan naman tinatawag na Amplified Generation. Hindi nagtagal nakasama na rin nya sa gawain si Pastor Adonis at ang kapatid nitong si Sis. Yolly Dispulo.
Sabi nila, ang ikapu at handog ng mga taga-Pantihan ay gulay at prutas. Dati ‘yon! Sapagkat nang dahil sa kanilang pagtatapat noon, marami na silang mga miyembrong nakapagtapos ng pag-aaral at naging propesyunal. Kasabay nito ay ang pagdaloy ng marami pang pagpapala sa simbahan.
Patuloy na sisibol at mamumunga ang gawain ng Diyos sa kabukiran ng Pantihan sapagkat may mga taong patuloy na nagpapagamit sa Kanya at umaasa sa Kanyang biyaya.