CAOCMI – Kayquit

Reaching out nations, making disciples.

Join Our Community Online

Tiyak na lulubusin ng Diyos ang Kanyang pinasimulang mabuting gawa sa iglesia ng Kayquit.

Taong 2007 sa huling linggo ng buwan ng Mayo, unang binisita nina Pastora Marina, Pastora Mayette, Pastora Bibot, Pastor Hintay, Sister Emily at ilang kananayan sa pamilya ng Sagpao at Caporado upang magsagawa ng bible study. Makalipas ang isang linggo, opisyal itong sinimulan at ipinagpatuloy.

Ang pamilya Sagpao na naninirahan sa bayan ng Indang ay pumupunta sa CAOCMI San Roque sa Naic upang sumimba. Tuwing linggo ng hapon, idinidaos ang gawain sa Kayquit kung saan ito ay dinadaluhan ng nasa higit kumulang na animnapung (60) tao. Ito ang naging dahilan upang ang Kayquit II, Indang ay maging outreach ng CAOCMI San Roque.

Makalipas ang dalawang buwan, nagkaroon ng Bautismo sa Tubig sa Tulay Baba, Bucal 3, Maragondon, Cavite at labinlimang kaluluwa ang nagpabautismo. Sa biyaya ng Diyos, ang nag-umpisang Bible study ay naging ganap nang regular Sunday Service na dinadaluhan ng higit sa dalawampung miyembro. March 2006 din nang magsimula ang outreach sa Ternate, Cavite.

Dahil sa bukas na puso at pagmamahal sa Panginoon, ipinagamit ng walang bayad ng mag-asawang Jaime and Betty Mojica ang kanilang bakanteng lote upang pagdausan ng lumalagong gawain. Gamit ang bubong na sako, nagkaroon ng maayos na bahay sambahan ang mga miyembro. Sa patuloy na paglalim sa relasyon sa Diyos ng bawat isa, natutunan ng mga miyembro ang katapatan sa pagbibigay, kaya naman nang lumaon ay napaayos ito at napalagyan ng haliging kahoy at bubong na yero.

Lumipas ang ilan pang mga taon, sa pagpapala ng Diyos ay patuloy na lumago ang bilang ng mga taong nakakilala sa Kanya. Sumisikip na ang lugar kaya naman sa pagsapit nang taong 2013 ay naisipan ni Ptr. Hintay na kausapin ang punong guro ng Muzon Elementary School upang ipagamit ang kanilang bulwagan tuwing araw ng Linggo.

Ito nama’y agad na natugunan, dahil ang punong guro ng mga panahong iyon ay isa ring mananampalataya. Sa mga panahon ding ito nagsimulang mangarap at manalangin ang bawat isa na magkaroon ng sariling lupa at church building ang CAOCMI Muzon. Bawat pamilya na nais na makibahagi ay binigyan ng alkansyang kawayan upang doon mag-ipon para sa ipinapanalangin na lupa.

Taong 2014 nang bumalik ang gawain sa garahe ng pamilyang Mojica dahil natapos na ang pamumuno ng punong guro. Ngunit hindi naman naging hadlang ang kawalan ng sariling lugar upang hindi manatili sa pagsunod at paglilingkod sa Diyos ang mga miyembro. Patuloy ang bawat isa sa pag-iipon na may kalakip na pananampalataya na ipagkakaloob Niya ang mga ipinapanalangin.

Tunay na buhay ang Diyos at tumutupad sa mga pangako, dahil taong 2017 ay may ginamit Siyang mga tao upang makabili ng sariling lupa. Gayundin, sa tulong ni Ptr. Dapin, nakilala ni Ptr. Hintay si Rev. Lee, isang Korean missionary na ang layunin ay tumulong sa mga local churches na makapagpatayo ng sariling church building.

Sa kasalukuyan ang CAOCMI Muzon ay mayroong 62 miyembro na binubuo ng mga bata, kabataan at matatanda na karaniwang dumadalo kada Linggo. Ang iglesia ay pinamumunuan pa rin ni Ptr. Romulo Hintay, at ng kanyang asawa na si Ptra. Sarge Hintay, kasama si Ptr. John Leysico at ang mga pinakabagong pastor na mag-asawa, Ptr. Jordan at Ptra. Conchelle Hintay.