CAOCMI – Catanduanes
Reaching out nations, making disciples.
Join Our Community Online
Nag-umpisa ang grupong ito noong August 22, 2020 sa pamamagitan ng anim na mga lingkod ng Diyos na ginamit niya: Sis. Juliet and Bro. Gingging Atencia, Sis. Mariel Iblasin, Sis. Grace Salome at kami pong mag-asawa, Pastor Rino at Edith Capistrano. Habang patuloy kaming naglilingkod sa ubasan ng Diyos, ay dinala naman ng Panginoon ang mga kapatid natin na sila Sis. Mikee Ignacio, Sis. Charry Buban, Bro. Ejay Dacuya, at si Sis. Ana Ignacio.
Sa loob ng ilang buwan ay nag-umpisa kami ng gawain sa bahay nila Bro. Gingging at Sis. Juliet. Napansin namin na habang tumatagal ay patuloy na dinaragdag ng Diyos ang naliligtas at nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng mga Bible studies sa iba-ibang lugar katulad ng Payo at Wagdas, Pandan, Catanduanes.
Naniniwala tayo bilang mga lingkod ng Diyos ang lahat ng mga pangyayari at mangyayari ay itinakda Niya hindi ayon sa ating kagustuhan, kundi ayon sa gusto ng Diyos at sa Kanyang layunin.
Sa pagpapatuloy ng gawain, patuloy din kaming nananalangin na magkaroon kami ng mga kasama sa paglilingkod sa Panginoon. At dahil dito, naging daan si Juliet Atencia na makatagpo si Sis. Violy Angeles dahil lamang sa tinatawag namin na “bagisara” sa Catanduanes na parang “tahong” sa Katagalugan.
Ang mga taong ito ay dumadalangin din na sila ay makahanap o makatagpo ng mapagdadaluhan na simbahan. At sa biyaya ng Diyos ay naging bahagi ang mag-asawang sina Bro. Melvin and Sis. Violy, maging si Sis. Yolly Angeles at ang kanilang mga anak sa paglilingkod sa Panginoon at pagpapalago ng gawain.
Nabanggit ni Bro. Melvin na sya raw ay may kapatid na pastora na si Pastora Marilyn Narvaez. At lagi naman daw sinasabi ni Pastora Marilyn na nais daw akong makilala kaya naman ibinigay sa akin ni Bro. Melvin ang Facebook account ni Pastora Marilyn at dun na kami nag-umpisa na magkaroon ng constant communication.
Ang isang pinakamagandang pangyayari na kung iisipin ay hindi dapat ikatuwa, dahil sa pangyayaring ito marami ang tumangis, naghirap, nawalan ng bahay, mga ari-arian at maraming nagbuwis ng buhay dahil sa Bagyong Rolly at Ulysses. At doon ay nagkaroon ng linaw ang aming panalangin na dalhin kami ng Diyos sa isang organisasyon na bunga ng aming panalangin. Nagkaroon nga po ng ugnayan sila Sis. Violy at Sis. Yolly kila Pastora Ferina upang magpadala ng kanilang tulong para sa mga nasalanta ng bagyo, hindi lamang para sa mga kapatiran kundi sa mga unbelievers na naapektuhan ng bagyo.
Hindi man sapat pero tapat ang Diyos sa bawat isa na nakatanggap ng ayuda mula sa organisasyon at mga kapatid sa CAOCMI. Sa biyaya ng Diyos, naging maayos ang pamamahagi ng nasabing ayuda at ito na rin ang naging daan para makilala ang mga kapatid natin sa Mabini (Apnit) at sa Tokio, Wagdas, Lourdes, Pandan, Catanduanes.
At sa pagpapatuloy ng communication namin ng mga kapasturan ng CAOCMI ay nagkaroon ako ng pagkakataon na isangguni sa Diyos ang nasabing organisasyon dahil nung mga panahon na ‘yan ay marami ang kumukwestiyon sa akin bilang isang Pastor kung mayroon daw akong kaukulang mga dokumento at mga legal na basehan upang pamunuan ang mga nasasakupan ko. Ako ay patuloy na nakipag-usap sa pamunuan with Pastora Marina at Joel Rulloda.
At noong February 2021 ay pinapunta ako sa Cavite para makadalo sa nasabing Board of Trustees meeting at maibahagi ko ang aking layunin bakit nais ko na ma-affiliate sa CAOCMI:
1. Dahil ito ang tugon ng Diyos sa aking panalangin;
2. Nakita ko at damang-dama ko kung paano nagmamalasakit ang mga kapasturan sa CAOCMI sa bawat kaluluwa, na ito naman ang aking puso;
3. Upang ako ay maging lehitimo na maging kabahagi ng mission na nasa ilalim ng pamumuno ng CAOCMI; at,
4. Upang mabigyan ako ng pribilehiyo na magkaroon ng naturang license to minister our brethren.
Sa biyaya ng Diyos, ang affiliation at commissioning na ito ay nangyari noong July 18, 2021 dito mismo sa aming lugar. Sa loob ng isang taon, nakita ko, nadama ko, na ang pagmamahal na hindi nagbago at habang tumatagal, lumalalim, at tumitibay. Sinuportahan kami ng CAOCMI sa lahat ng pagkakataon, ito man ay pisikal, ito man ay pinansyal, ito man ay moral at ang pinakamahalaga sa lahat, patuloy kaming sinusuportahan ng ating mga kapatid sa pangunguna ng ating punong-lingkod para lalo tayong maging matibay at matatag sa ating buhay pananampalataya.