CAOCMI – Santusan

Reaching out nations, making disciples.

Join Our Community Online

Nagsimula ang lahat sa isang vision.


Bago pa man magkaroon ng gawain sa Santusan, isang vision na ang ipinakita ng Panginoon sa Kanyang lingkod na si Sis. Nits Escultor. At noon ngang taong 2008 ay nagsimula ang Bible study sa tahanan nina Bro. Eli at Sis. Pasing Manalo sa Stateland Hills Subdivision, Manggahan, Gen. Trias, Cavite. Apat na tao pa lamang noon ang regular na dumadalo subalit nagpatuloy sila sa kanilang pananampalataya at pananalangin na isang araw ang gawaing ito ay lalago.



Taong 2009, isang tahanan ang muling nagbukas at nagbigay daan sa ministeryo para sa mga bata. Nagkaroon ng isang feeding ministry sa tahanan nina Bro. Caloy Cruz kung saan higit 20 mga bata ang nagsimula at nagpatuloy. Lumago ito at ‘di naglaon ay umabot sa 50 ang nadagdag kabilang na ang mga magulang at regular na miyembro ng ministeryo.

Hindi natinag. Hindi tumigil. Nagpatuloy sa kabila ng mga pagsubok. Sa pagsisikap ng mga miyembro na lumawak ang gawain ng Panginoon, patuloy na dumami ang mga dumadalo dahilan upang magsimula ang unang Sunday Worship Service nong 2010. Sa tulong nina Pastor Adonis Aniel, at ni Pastora Marilyn Narvaez at ang buong pamilya nito, lumaganap ang pangangaral ng Salita ng Diyos sa Stateland. Bagama’t lona lamang ang nagsilbing bubong sa piggery nina Pastora Marilyn sa Cristina St. na naging lugar-panambahan ng anim buwan, sama-sama pa rin na buong pusong nagpuri, umawit, nanalangin, at sumamba ang lahat sa tapat at mabuting Diyos.



Katuwang ang kanyang asawa na si Bro. Ben Narvaez at ng kanilang mga anak, nagkaroon ng music at children’s ministries sa Stateland. Tunay ngang ang grasya at habag ng Panginoon walang hanggan sapagkat isang tahanan ang muling nagbukas upang maipagpatuloy ang gawain. Sa tulong ni Sis. Zeny ay nagkaroon ng pansamantalang lugar-panambahan ang kongregasyon sa loob ng tatlong buwan sa Carmelita St.

Hindi lumaon ay lumipat muli ng lugar-panambahan sa garahe nina Pastora Marilyn sa Malou St. Doon ay patuloy na lumago sa bilang ang kongregasyon, kasabay nito ang pagdami rin ng mga manggagawa.

Mas maraming Bible study ang nag bukas, maging ang panimula ng tatlong evangelistic crusade. Sa patuloy na pananalangin para sa permanenteng bahay-sambahan, naipagkaloob ang lupa at church building sa kasalukuyan nitong lokasyon sa Sitio Santusan, Brgy. Manggahan, Gen. Trias, Cavite, noong 2012.

Patuloy na lumaganap ang Salita ng Panginoon.

Nagkaroon din ng mga outreach programs sa lugar ng Trece Martires (Cabezas), GMA, Catanduanes, at sa Batangas (Balayan). Sa tulong ng outreach na ito ay nabigyan daan upang maitatag ang ilan sa mga daughter churches ng CAOCMI ngayon.

Sa biyaya ng Panginoon, ang katuparan ng isang bisyon ay patuloy na nasasaksihan at nararanasan ng lahat.